Lampong (Katapusan)

HABANG magkatabing nag-uusap sina Dick at Jinky ay natanaw nila ang isang punong Uloy na maraming bunga. Bawat sanga ay mayroon bunga. Napaka-sipag mamunga ng mga Uloy.

“Hindi pala puma­palya ang Uloy sa pagbunga, Dick.’’

‘‘Oo. Basta maganda ang lupang kinatataniman, masipag magbunga. Para ring babae yan na madaling magbuntis. Lalo pa kung ang itatanim ay mahusay na buto…’’

Kinurot ni Jinky si Dick. Napapitlag si Dick.

“Puro ka kalokohan.’’

“Masipag ngang mamu­nga ang Uloy ngayon. Nagtataka nga ako kung bakit. Dati naman ay hindi. Siguro dahil sa alagang-alaga. Sagana kasi sa tubig ang sapa.’’

‘‘Kung walang katapusan ang pagbunga, ibig sabihin, wala ring katapusan ang ating negosyong Uloy Nuts?’’

“Yup! Ayaw mo nun?’’

“Gusto siyempre. Sino ba ang aayaw sa grasya.’’

‘‘Kaya nga balak kong magdagdag ng tauhan sa factory. Sa dami ng inaani nating Uloy ay kulang na kulang tayo sa mga tauhan. Maski si Mulong at Tina ay hindi rin malaman kung paano ang gagawing paghati-hati sa mga tao.’’

“E di kumuha tayo sa kabilang barangay. Matutulungan natin ang mga walang trabaho roon.’’

“Good idea. Bukas sasabihin ko kay Mulong na mag-recruit na. Tamang-tama dahil mayroon na naman akong na­isip na bagong flavor ng Uloy.’’

“Talaga? Ang dami mo nang naisip, Dick. Yung Uloy Nuts chilli flavour mo ang gustung-gusto ko. Napaka-sarap, Dick.’’

“Teka at kukuha ako ng kakainin natin habang nagkukuwentuhan dito. Masarap magkuwentuhan kapag may kinakaing Uloy nuts.’’

“Damihan mo ang Chili flavour, Dick.’’

Umalis si Dick at pagbalik ay maraming dalang Uloy nuts.

Habang nagkukuwentuhan ay kain sila nang kain ng Uloy Nuts. Si Jinky ay pinili ang Chili flavor. Sunud-sunod ang subo ng Uloy nuts.

“Tikman mo itong flavour na ito. Eto ang bago, Jinky.’’

Tinikman.

“Hmmm, puwede na. Pero talagang mas masarap itong chilli flavour.’’

Nakatingin si Dick kay Jinky habang ngumunguya. Natatandaan niya, pawang chilli flavour ang inupakan ni Jinky noong kasalukuyan silang gumagawa ng 12 anak. Posible kayang madagdagan pa? Sa tipo ni Jinky, mukhang kaya pa. Seksing-seksi pa.

May ibinulong si Dick kay Jinky. Nagtawa si Jinky. Tiningnan nang malagkit si Dick.

(Wakas)

 

BUKAS, ISA NA NAMANG KAPANA-PANABIK NA NOBELA ANG MATUTUNGHAYAN. ABANGAN !

Show comments