‘Kamatayan’ nakitang lumilipad sa isang parke sa Kentucky

NAGTAKBUHAN ang mga nagja-jogging sa isang parke sa Kentucky nang makita nila si “Kamatayan” na lumilipad at tila handang mandagit ng biktima. Nakakakilabot din ang tunog ng lumilipad na si “Kamatayan” na para bang sumisipol.

Ang mga batang naglalaro sa parke ay nakita rin ang lumilipad na si “Kamatayan’’ at nagtakbuhan ang mga ito habang umiiyak. Lalo pang lumakas ang sigawan at iyakan ng mga bata nang ayaw silang lubayan ni “Kamatayan’’.

Maski ang mga nagdadaan lamang sa parke ay kinilabutan din. Mas lalo namang natakot ang mga nagsidalaw sa isang cemetery doon nang makita nilang lumililipad at paikot-ikot doon si “Kamatayan”.

Pero ang lahat nang ito ay kagagawan ng prankster na si Tom Mabe. Talagang ginawa niya ito para sa Halloween season.

Binihisan ni Tom ng “bihis kamatayan” ang isang remote control helicopter. Aakalaing si Kamatayan talaga ang lumilipad sapagkat may dalang kalawit. Kapag biglang buma­ba sa ma­raming tao ang lumilipad na si Kamatayan ay may nakakatakot na sound.

Sabi ni Tom, nakakaaliw daw ang ginawa niya. Mahirap daw gawin pero nagtagumpay siya. Wala raw kamalay-malay ang mga namamasyal sa parke na may biglang dadagit sa kanila. Ayon kay Tom. Lumilipad nang hanggang 200 feet si “Kamatayan” at saka biglang bababa, na ikinagugulat ng mga tao.

Show comments