Ang pagtatapos

NGAYONG gabi matatapos ang pagtataksil, ang pagkakasala, ang panunukso. Huling araw ng pag-ere ng teleseryeng kinabilangan ko sa aking pagbabalik sa aking Kapuso Network – ang Temptation of Wife. Napakalaki nang pasasalamat ko sa GMA 7 dahil ipinagkaloob nila sa akin ang pagganap bilang Tiya Madel kahit na hindi ako ang unang napili nila. Parang third choice pa nga ako. Pero nonetheless lubos ang aking pasasalamat dahil ako pa rin ang final choice. Awa ng Diyos ay minahal naman ng mga Pinoy si Tiya Madel sa katauhan ni Bettinna Carlos.

Pribelehiyong maituturing sa isang artista ang mapabilang sa isang proyektong pinagbibidahan ng mga pinaka-magagaling na aktor ng henerasyong ito – sina Marian Rivera at Dennis Trillo. Gayundin ang mga tinitingalang beterano, at mga haligi na ng pelikulang Pilipino – sina Ms. Cherie Gil, Sir Raymond Bagatsing, Ms. Rio Locsin at Mr. Rex Cortez. Napakapalad ko sa aking pagbabalik Kapuso ay sa Philippine remake ng Temptation of Wife ako napabilang.

Marami akong natutuhan sa limang buwan naming pagtatrabaho. Lalo kong minahal ang trabaho­ at na-appreciate ang aking mga katrabaho. Nakakatuwang makita na walang arte, reklamo at mahal ang kanilang craft. Nakaka-inspire na sa kabila ng kanilang kasikatan, nananatili silang propesyunal sa trabaho — dumarating sa oras at kumikilos nang tama.

Gayundin sa mga nagtatrabaho off cam, mula sa aming direktor na si Direk Dominic Zapata at Direk Gina Alajar na kahit puyat ay walang kabakas-bakas sa kanya. Sa aming assistant di­rectors, sa aming producers, production assistants, production designers, art dept., writers at utility. What a joy to have worked with all of them. Hindi nga namin napansing halos kalahating taon na pala kaming nagtatrabaho.

Salamat Lord sa biyayang ito at sa pagkakataong makakilala ng mga bagong tao at makabuo ng panibagong pagkakaibigan; at mas mapag-ibayo at mapabuti ang aking ginagawa. Sa mga sumubaybay sa TOW, taos puso ang pasasalamat namin sa inyo dahil palung-palo ang aming ratings.  Talagang namayagpag kami sa Primetime at ito po ay dahil sa inyong pagtangkilik. Salamat at pinahintulutan ninyo kaming gawan ng sarili nating bersiyon ang teleseryeng itong buhat sa mga Koreano. Ke Koreano o Pilipino ang gumaganap ay talagang lubusan ninyong sinuportahan ang Temptation of Wife.

Show comments