2 bangkay natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Pampanga

Camp Julian Olivas, Pampanga , Philippines  — Patuloy pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang bangkay ng lalaki na itinapon sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan ng Pampanga, kamakalawa.

Sa report ng pulisya unang nakita ang bangkay sa Angeles City sa bahagi ng Villasol Subdivision Brgy. Anunas na nakasubsob sa damuhan at nakatali ng packaging tape ang mga kamay at paa, may tama ng bala ng baril sa ulo, nakasuot ng blue polo shirt, dark short pants, nasa 5 hangggang 5’3 ft ang taas, fair complexion, at may tattoo na“Thug Life”sa kanang braso. 

Ayon sa mga residente sa lugar, nakarinig umano sila ng putok at may namataan na puting van na walang plaka ang tumakas. 

Kaugnay nito, isa pang bangkay ang natagpuan naman sa Brgy. Cangatba sa bayan ng Porac, nakabalot din ng packaging tape ang mga kamay at paa.

Tinitingnan ngayon ng mga otoridad na posibleng magkaugnay ang krimen na nangyari sa dalawa.

Sa ngayon ay nasa isang punerarya pa sa siyudad ng Angeles ang mga bangkay habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad.

Show comments