NITA nilinis LGU, Ayta council, landowner sa Subic garbage issue
MANILA, Philippines — Hindi dapat sisihin ang Subic local government, pribadong may-ari ng lupa at Ayta Ambala Council sa pansamantalang tapunan ng basura sa Barangay Naugsol, Subic, Zambales.
Ito ang iginiit ng National Institute for Transparency and Accountability (NITA) at anila ay pinulitika lamang ang usapin kahit bunga ito ng kanilang pagtutulungan noong pandemya.
Ayon kay NITA Executive Director at spokesperson Carlos Ayala, nagsagawa ang grupo ng site inspection at kinausap ang LGU, tribal leaders, landowner, mga residente at kinauukulang ahensiya.
Lumabas na pansamantala lamang ginamit ang lugar upang tugunan ang problema sa garbage disposal ang lupa na pag-aari ni Jose Tenoria, na minana sa kaniyang mga ninuno na pinagamit sa pamahalaan nang walang hinihinging bayad, pabor o kapalit.
Para sa NITA, malinaw na tumulong lamang ang landowner sa panahon ng pambihirang krisis na kung saan ay pumayag din ang Ayta Ambala Council, sa pamumuno ni Tribal Chieftain Francis Santos, sa pansamantalang paggamit ng lugar.
Binigyang-diin ni Ayala na ang kasunduan ay hindi lihim, sapilitan o mapagsamantala na may kolaborasyon ng LGU, pribadong may-ari at Ayta community—mga partidong kumilos nang may pahintulot, malasakit at mabuting layunin habang umiiral ang mahigpit na kondisyon ng pandemya.
Sa inspeksiyon, wala ring matinding baho at karamihan sa natirang basura ay kalat na solid waste na posibleng ikinalat ng mga nagdaang bagyo.
Sa halip na pulitikahin ang kasunduang pinasok nang may mabuting hangarin ay dapat kilalanin ang komunidad, landowner at LGU na nagtulungan sa panahon ng krisis.
- Latest



















