Korte ang dapat magsabi kung may arrest warrant si Marcoleta – PNP
MANILA, Philippines — Hindi kinumpirma at hindi rin itinanggi ng Philippine National Police (PNP) kung may inisyung arrest warrant laban kay Senador Rodante Marcoleta.
“The Philippine National Police does not confirm or deny the existence of warrants issued against any specific individual.The issuance of warrants is a matter within the exclusive jurisdiction of the courts, and it would be improper for us to publicly disclose such information,” ani PNP PIO Chief Police Colonel Allen Rae.
Binigyan katiyakan ng PNP ang publiko na laging handa ang kapulisan sa implementasyon at pagsilbi ng warrant na inisyu ng korte na naaayon sa batas.
Maging si Interior Secretary Jonvic Remulla na nagsabi na wala siyang alam na kinasuhan si Marcoleta, at bago mag-isyu ng warrant of arrest ay una muna ang pagsasampa ng kaso.
Kaugnay ito sa naging pahayag ni Marcoleta noong Biyernes sa panayam ng Net 25, na hindi siya lalaban sa pag-aresto matapos makatanggap siya ng impormasyon na malapit nang maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya kaugnay sa mga reklamong plunder at indirect bribery na nag-ugat sa hindi pagsisiwalat ng campaign funds mula kay dating Quezon City Rep. Mike Defensor at mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray.
“Nabalitaan ko na, kaya nga ako nagpapahayag ngayon. Kung saka-sakali pong ituloy nila ang pag-aresto sa akin, ako po ay sasama sa kanila peacefully. Ibig sabihin, I will not resist. Sapagkat tungkulin po ‘yun ng arresting officer. Alam ko naman po ‘yung tuntunin kung paano ka aarestuhin. Eh talagang ganyan,” ayon kay Marcoleta.
Iginiit niya na ang mga kaso laban sa kanya ay mga pagtatangka na patahimikin siya.
“Ako naman ay dahil sa ginawa kong pakikipaglaban tungkol sa katwiran at sa umiiral na batas, kung ito ang magiging kabayaran ng pagtatanggol ko sa ating bansa, sa ating mga kababayan, eh nasa kanila po ‘yun. Wala akong alam na aking nilabag na batas. ‘Yung pong kanilang mga asunto ay puro imbento ‘yun,” ani pa ni Marcoleta.
- Latest















