Top 7 ‘most wanted’ sa Maynila, timbog

Kinilala ang naaresto na si Aljohn Ramos, 34-taong gulang, binata, nakatira sa No. 2225 Interior 40 Singalong Street, Malate, Maynila.
Philstar.com / Jovannie Lambayan / File

MANILA, Philippines — Arestado ang isang lalaki na nakatala bilang “Top 7 Most Wanted Person” sa Maynila dahil sa kinakaharap na 9 na magkakahiwalay na kaso ng panggagahasa at pang-aabusong sekswal.

Kinilala ang naaresto na si Aljohn Ramos, 34-taong gulang, binata, nakatira sa No. 2225 Interior 40 Singalong Street, Malate, Maynila.

Nadakip siya ng mga tauhan ng Malate Police Station 9 dakong alas-5:30 kama­kalawa ng hapon sa kanto ng San Andres at Leon Guinto Streets, sa Malate, sa bisa ng warrant of arrest mula sa National Capital Judicial Region sa Maynila.

Nabatid na nahaharap ang suspek sa 9 na magkakahiwalay na kaso kabilang ang isang kasong “rape” na walang piyansa, apat na kaso ng “sexual assault”, at apat na kasong “acts of lasciviousness”. 

Kabilang sa mga biktima ng suspek ay mga menor-de-edad.  Matapos ang mga pang-aabuso, nagtatago umano ang suspek at bumabalik sa kanilang lugar kapag sa tingin niya ay malamig na sa kaniya ang batas.  Hindi siya nakapalag nang matunugan ng mga pulis ang pagbalik niya sa kaniyang lugar.

Show comments