333 motorista huli sa pagdaan sa EDSA Busway Lane

Members of the Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO), and Highway Patrol Group begin their crackdown on EDSA bus lane violators in Cubao, Quezon City on November 13, 2023.
Michael Varcas

MANILA, Philippines — Nasa 333 motorista na sa kasalukuyan ang nahuli ng mga otoridad sa unang araw nang pagpapairal ng mas mataas na multa sa ilegal na paggamit ng EDSA Busway Lane kahapon.

Sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nabatid na hanggang alas-11:00 ng umaga pa lamang ay nasa 333 motorista na ang kanilang nahuling lumabag sa polisiya at inaasahang madaragdagan pa ito.

Magugunita na inapru­bahan ng Metro Manila Council (MMC) ang isang resolusyon na nagtataas sa penalty na ipapataw sa mga gagamit ng eksklusibong city bus lane/bus carousel lane sa EDSA.

Sa ilalim ng MMDA Regulation No. 23-002, ang tinaasang multa ay ipapataw sa public at private vehicles na sa unang paglabag ang motorista ay papatawan ng P5,000, ikalawang paglabag ay papatawan ng P10,000 multa at isang buwang suspensiyon ng kanyang driver’s license, bukod pa sa pagsailalim sa road safety seminar at sa ikatlong paglabag naman, papatawan ang violator ng P20,000 na multa, na may isang buwang suspensiyon ng driver’s license.

Para naman sa ikaapat na paglabag, papatawan ang motorista ng P30,000 multa na may kasamang rekomendasyon sa Land Transportation Office (LTO) na kanselahin na ang lisensiya nito.

Karamihan sa mga lumalabag sa exclusivity ng bus lane ay mga kotse ng mayayaman, na may kakayahang magbayad ng P1,000 multa.

Hanggang Nobyembre 10 lamang aniya ng taong ito ay mahigit sa 11,000 EDSA bus lane violators na ang nahuli ng MMDA.

Umaasa naman ang MMDA na mababawasan ang mga violators dahil sa mas mataas na multa na ipinapataw na sa kanila.

Show comments