Bantag kinasuhan ng plunder, graft
MANILA, Philippines — Sinampahan ng Bureau of Corrections (BOC) ng mga reklamo kabilang ang pandarambong at pagwawaldas ng pondo ng bayan si suspended BuCor chief Gerald Bantag at iba pa.
Isinampa kahapon ni BuCor acting chief Gregorio Catapang ang mga reklamo sa National Prosecution Service ng Department of Justice (DOJ).
Bukod sa plunder at malversation of public funds through falsification of official documents, inireklamo rin si Bantag ng paglabag sa anti-graft and corruption law, at violation of the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Kabilang sa mga reklamo laban kay Bantag ay may kaugnayan sa P1 bilyon pondo na nakalaan para sa pagpapagawa ng tatlong prison facilities sa Davao Prison and Penal Farm (Lot 1), Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa, Palawan (Lot 2) at Leyte Regional Prison (Lot 3), na ipina-bid noong September 17, 2020, na nagkakahalaga ng P300 milyon bawat isa.
Nagsimula umano ang plano ni Bantag sa pag-divert o pag-“misappropriate” ng pondo nang bumuo ang dating opisyal ng hiwalay na Bidding and Award Committee (BAC) ng BuCor para sa naturang mga proyekto.
Kasama rin sa mga inireklamo sina Correction Technical Superintendent Arnold Jacinto Guzman, Correction Inspector Ric Rocacurba, Correction Inspector Solomon Areniego, Correction Technical Officer 1 Jor-el De Jesus, Correction Technical Officer 2 Angelo Castillo at Correction Technical Officer Alexis Catindig.
Una nang kinasuhan si Bantag sa dalawang bilang ng kaso ng pagiging utak umano sa pagpatay sa brodkaster na si Percy Mabasa at inmate na si Jun Villamor.
- Latest