ROTC solusyon sa mental problems — DND chief

Ipinaliwanag nito na sa pamamagitan ng ROTC ay masasanay ang mga estudyante sa mga karanasan na makatutulong sa kanilang buhay, hindi tulad ng sa National Service Training Program (NTSP).
Andy G. Zapata Jr/ file

MANILA, Philippines — Upang malutas at ma­gamot ang mga problema sa mental health ay makakatulong ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) program.

Ito ang paniniwala ni Defense Secretary Carlito Galvez Jr., kasabay ng pagdinig ng Senado sa panukalang naglalayon na gawing mandatory ang ROTC.

Ipinaliwanag nito na sa pamamagitan ng ROTC ay masasanay ang mga estudyante sa mga karanasan na makatutulong sa kanilang buhay, hindi tulad ng sa National Service Training Program (NTSP).

“‘Yun ang pagkakaiba po sa NSTP. Ang experience training talaga pong naisasapuso niya po ang lahat ng ginagawa niya. ‘Yung [survival] instinct nandoon. So yung sinasabi nating mental problem, it can be cured, kasi yung frustration to­lerance ng tao, tataas,” ani Galvez.

“Meron po siyang ma­kukuhang experience na ‘Bakit ako naghihimutok eh ganito ‘yung nakikita natin na mas malala pa pala yung ginagawa ng ibang tao.’ Meaning, ‘yung mental ano pwede siyang ma-cure,” pagpapatuloy niya.

Masasanay din sa ROTC ng mga mentors at counsellors upang maka­tulong sa mga indibidwal na nakararanas ng mental health problems tulad ng post-traumatic stress disorder (PTSD).

Inihayag din ni Galvez na wala siyang nakitang pag-unlad sa mga kabataan simula nang ipatupad ang batas sa NSTP.

“Napakatagal na natin na 21 years na ‘yung NSTP natin, hindi natin nakita yung tinatawag na­ting development sa ating mga youth ngayon– ‘yung tinatawag nating sense of nationalism, self…service at ‘yung tinatawag nating commitment to serve our country,” aniya.

Sa simula pa lamang ng pagdinig ay nagpahayag na ng pagkontra sa mandatory ROTC sina Akbayan Youth chairperson Justine Raphael Balane at Student Council Alliance of the Philippines chairperson Ken Paolo Gilo. - Doris Franche-Borja

Show comments