3 SUV, van at 2 motorsiklo, inararo ng truck

MANILA, Philippines — Anim na sasakyan ang inararo ng isang trailer truck na nawalan ng preno na ikinasugat ng dalawang katao sa Pasig City, kamakalawa ng gabi.

Isa sa mga nasugatan ay nakilalang si Danny Soriano habang hindi agad nakuha ang pagkakakilanlan ng isa pa.

Arestado at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang truck driver na si Melchor Cabale.

Sa ulat ng Pasig City Traffic and Parking Management Office, naganap ang insidente sa kahabaan ng Ortigas Avenue, kanto ng Lanuza St., Pasig City na kung saan ay binabagtas umano ng 10-wheeler truck ang kahabaan ng Ortigas Avenue, nang mapansin ng driver nito na hindi kumakagat ang preno.

Upang hindi masagasaan ang mga nauunang motorsiklo ay kinabig ng driver ang truck papuntang Lanuza Avenue, ngunit nahagip pa rin nito ang dalawang motorsiklo at inararo ang apat na iba pang sports utility vehicle (SUV) na pawang nakahinto sa traffic light.

Wala namang naitalang nasawi sa aksidente ngunit nasira ang mga sasakyan ng mga biktima. Nagpahayag naman na umano ng kahandaan ang may-ari ng truck na sagutin ang gastusin sa pagpapaayos ng mga nasirang sasakyan

Show comments