Mahuhulihan ng konting bawal na droga, ‘wag ikulong - Robin

MANILA, Philippines — “Yung sinasabi kong decriminalization,yung amount na makukuha dun sa drug offender. Halimbawa, piso, dalawang piso o tatlong joint eh bakit kailangan natin ikulong.”

Ito ang nilinaw ni Sen.Robin Padilla na hindi niya itinutulak na gawing legal ang paggamit ng droga kundi nais niyang ipasok lamang sa rehabilitation center ang mga mahuhulihan ng konting bawal na gamot.

Sinabi ito ni Padilla matapos siyang kuyugin, pati si Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa, sa panukala hinggil sa decriminalization ng paggamit ng illegal na droga.

“Hindi ko sinasabi at hindi rin sinasabi ni Ge­neral Bato na ilelegal.Ka­lokohan po yun hindi po kailanman malelegal ang drugs. Ang sinasabi namin yung mahuhulihan ng konting konti eh hindi kailangang ideretso sa kulungan,” paliwanag ni Padilla.

Aniya, ginagamit lang umano ng mga drug lord ang mahihirap kaya hindi sila ang dapat pag-initan ng batas kundi ang mga nagtutulak at ang sindikato sa iligal na droga.

“Kung pupunuin natin ng mahihirap na tao ang kulungan at hahayaan natin yang ma-bilibid dahil sa piso, dalawang piso, dalawang joint, tatlong joint, eh para po nating binibigyan ng sundalo itong mga drug lord,” katwiran ni Padilla.

Show comments