PBBM, VP Sara nagsimba muna sa unang araw ng panunungkulan

MANILA, Philippines — Sa pagsisimula ng ka­nilang trabaho ay dumalo muna sa isang banal na misa sa San Miguel Parish Church sa Malacañang compound sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.

Pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Car­dinal Advincula ang misa at sa kanyang homiliya, nanawagan ito sa dalawang nangu­ngunang pinuno ng bansa na tularan ang dalawang katangian ng Mabuting Pastol tulad ng “pamumuno sa pakikinig at pamumuno na nagbibigay-buhay.”

Sinabi ni Cardinal Advincula na sa mga pagpupulong sa mga tanggapan at conference halls ng mga opisyal, dapat ay alalahanin nila ang  mga tao na nagtatanong habang walang laman ang kanilang sikmura.

Nawa aniya ay maging mga pinunong nakikinig sa mga tao, lalo na sa mga mahihirap at marginalized ang mga lider ng bansa.

Ipinaalala rin ni Cardinal Advincula na si Hesu­kristo ay isa ring pastol na nagbibigay-buhay at nais niyang magkaroon ng kasaganaan at kapuspusan ng buhay ang kanyang kawan.

Hiniling din ni Cardinal Advincula sa mga pinuno ng gobyerno na humanap ng kabutihan hindi lamang para sa ilang indibidwal o partikular na grupo kundi para sa buong lipunan ng Pilipinas.

Show comments