26 milyon pinoy sadlak sa hirap - POPCOM

MANILA, Philippines — Inihayag ng Commission on Population and Development (POPCOM) na umaabot na sa 26 milyon Filipino ang sadlak sa hirap o nasa ilalim na ng tinatawag na “poverty line.”

Sa Laging Handa press briefing, tinukoy ni POPCOM Undersecretary Juan Antonio Perez III ang pag-aaral na ginawa ng Philippine Statistics Authority ukol sa kahirapan sa Pilipinas kung saan ikinumpara ang unang bahagi ng taong 2018 at unang bahagi ng taong 2021.

Sinabi ni Perez na nakita na tumaas ang bilang ng pamilyang naghirap mula sa 4 milyon ay naging 4.6 mil­yon o 23% ng populasyon.

Ipinaliwanag ni Perez na ang poverty line ay itinakda sa kitang P12,000 kada buwan at hindi umaabot sa nasabing halaga ang kinikita ng nasa 26 milyong Filipino.

Ayon pa kay Perez, tumaas ang bilang ng mga mahihirap sa mga lugar na mataas ang naging kaso ng COVID-19 katulad ng National Capital Region, Central Luzon at Central Visayas.

“So, medyo iyong nangyari sa poverty situation natin, apektado talaga ng COVID and apektado rin ng cost of living. But we saw that starting in 2021, tumaas iyong ating GDP beyond what was expected ‘no – I think NEDA was projecting 5.0 to 5.5 na GDP but we achieved 5.6. So we hope this is on the road to recovery and that by this year, ang hope ng NEDA is that we will achieve again the pre-pandemic levels. So we hope that that will lead eventually to a reduction of Filipinos living in po­verty,” dagdag ni Perez.

Show comments