Cavite shootout: Pulis patay, kabaro sugatan

MANILA, Philippines — Nasawi ang isang pulis habang nasugatan ang kasama nito nang mauwi sa shootout ang drug buy-bust operation, kamakalawa ng gabi sa Brgy. Salawag, Dasmariñas City, Cavite.

Idineklarang dead-on- arrival sa Dasmariñas City Medical Center ang biktima na si Staff Sergeant Karl Marty Manzanilla, miyembro ng Cavite Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) matapos magtamo ng bala sa ulo at dibdib.

Nasugatan naman si Patrolman Ariel Maribojo na dinala rin sa nasabing ospital matapos magtamo ng tama ng bala sa kamay.

Naaresto naman ang apat na drug suspects na sina Jesabel Cadag, alias Maylyn, Jemuel Pillar, John Marco at John Lloyd, kapwa may apelyidong Pacia.

Batay sa ulat, alas-9:30 ng gabi nang isagawa ng buy-bust operation sa kahabaan ng Snake road sa Barangay Salawag na kung saan ay target si Marlon Pacia.

Nanlaban ang suspek na si Marlon at pinagbabaril sina Manzanilla at Maribojo nang makatunog na pulis ang kanyang ka-transaksyon na nauwi sa shootout.

Pinaghahanap naman ang dalawang kasama ni Paciana sina Jun-Jun Javier, alias Juge at Jomarie Pacia na nagawang makatakas habang nagpapalitan ng putok.

Nabatid na ang mga suspek ay drug watchlist of the PDEU at Dasmariñas City police station. - Cristina Timbang

Show comments