7 arestado sa P6.8 milyong shabu sa Maynila

Naaresto ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office-Regional Drug Enforcement Unit (NCRPO-RDEU) ang limang miyembro ng pamilya kabilang ang isang buntis na ginang matapos na sila ay mahulihan ng P3.4 milyon halaga ng pinaghihinalaang shabu sa buy-bust operation sa San Andres Bukid, Maynila.
The STAR/Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Pitong drug suspects ang naaresto sa magkahiwalay na buy-bust ­operation sa Quiapo at San Andres, Maynila, kahapon at kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng PDEA, ala-1:20 ng hapon nang maaresto ang dalawang suspek na sina Allan Taha Usman at Rocky Pablo Cornelio sa ikinasang buy-bust operation sa Hidalgo St., kanto ng Barbosa St. Quiapo at nakumpiska sa kanila ang P3.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu.

Sa San Andres Bukid naman ay naaresto ang limang suspek na kinilalang sina Princisita Baybayon, 35, at kapatid niyang si Dante, 30; Eva Mabulay, 59, tindera; Jessica Balabis, 29; at isang Lester Ferrer, 35, pawang mga nakatira sa Granate Street, Brgy. 766 Zone 83, San Andres Bukid, ng naturang lungsod.

Base sa ulat na ipina­dala kay NCRPO Director PMajGen Vicente Danao Jr., alas-8:30 ng gabi nang ikasa ng pinagsanib na puwersa ng Regional Drug Enforcement Unit at MPD ang buy-bust operation sa kuta ng target nilang si Princisita sa may San Andres Bukid.

Hindi na nakawala ang limang suspek nang kumagat sa pain si Princisita matapos na tanggapin ang marked money sa poseur buyer. 

Humigit-kumulang na 500 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P3.4 milyon ang nasabat sa grupo at isang kalibre .45 baril mula kay Dante. - Danilo Garcia

Show comments