Bulkang Taal, nakapagtala ng 74 pagyanig sa nakalipas na 24 oras

MANILA, Philippines — Sa nakalipas na 24 oras ay nakapagtala ang Bulkang Taal ng 74 pag­yanig.

Ito ang iniulat ng Phivolcs, at kabilang dito ang 13 low frequency volcanic earthquakes, 61 na volcanic tremors na tumagal ng isa hanggang 25 minuto, at low-level background tremor na naitala simula noong Hulyo 7, 2021.

Nabatid na ibinuga ng Main Crater ang mataas na sukat ng volcanic sulfur dioxide gas at steam-rich plumes na may taas na 1,000 metro bago napadpad patungong kanluran-hilagang kanluran at timog kanluran.

Ang pagbuga ng sulfur dioxide (SO2) ay humigit-kumulang 6,488 tonelada kada araw noong Hulyo 10, 2021.

Patuloy na nakataas ang Alert Level 3 sa Taal Volcano at sa kalaga­yang ito, ang magma na nanunuot sa Main Crater ay maaaring magdulot ng malakas na pagsabog.

Pinaalalahanan din ng DOST-Phivolcs ang publiko na huwag pumasok sa Taal Volcano Island (TVI) na isang Permanent Danger Zone (PDZ) at pagpasok sa TVI at high-risk barangays ng Agoncillo at Laurel dahil sa panganib ng pyroclastic density currents at volcanic tsunami kung sakaling magkaroon ng malakas na pagputok.

Show comments