P121.8 milyong shabu nakumpiska sa buy-bust

MANILA, Philippines — Naaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang lalaki sa isang buy-bust operation sa Las Piñas City kahapon ng hapon at nakumpiska ang nasa 18 kilo ng hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng P121.8 milyon, kahapon.

Kinilala ang suspek na si Moises Joshua Esguerra, 23, ng Block 8, Lot 1 PNB Homes, BF Resort, Brgy. Talon Dos, Las Piñas City.

Sa ulat ng PDEA, bago naaresto ang suspek, alas-3:00 ng hapon sa kanyang bahay ay nagsagawa ng buy-bust operation ang mga otoridad matapos na makatanggap ng impormasyon na nagbebenta ito ng droga.

Isang poseur buyer ang bumili ng isang kilo ng shabu, na nagkakahalaga ng P6.8 milyon sa suspek at nang tanggapin ang pera ay dito na siya inaresto.

Narekober rin ng mga otoridad mula sa pag-iingat ng suspek ang 17 kilo pa ng shabu na nagkakahalaga naman ng P115 milyon, o kabuuang P121.8 milyon.  

Show comments