Miyembro ng Abu Sayyaf, nadakip sa Taguig

Naaresto ng mga miyembro ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang mi­yembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Maharlika Village, Taguig City na kinilalang si Wahab Jamal y Sabirani, aka Ustadz Usman.
Boy Santos

MANILA, Philippines — Natimbog ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na sangkot sa isang kaso ng kidnapping sa Mindanao sa pinagtataguan niya sa Taguig City nitong nakaraang Biyernes.

Iprinisinta kahapon ni NBI Officer-in-Charge Director Eric Distor ang dinakip na si Wahab Jamal y Sabirani, alyas Ustadz Usman Halipa.

Sa ulat, inaresto nitong Mayo 7 ng mga tauhan ng NBI-Counter-Terrorism Division (NBI-CTD) sa isang bahay sa Maharlika Village, Taguig City si Jamal sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Basilan Regional Trial Court dahil sa kasong Kidnapping at Serious Illegal Detention.

Nabatid na nitong nakaraang Abril nakatanggap ng impormasyon ang NBI ukol sa presensya ng isang miyembro ng ASG sa Maharlika Village. 

Agad na bineripika ang naturang impormasyon hanggang sa positibong makilala si Jamal na sangkot sa kidnapping sa Golden Harvest Plantation noong 2001 sa Lantawan, Basilan.

“He may have eluded the law for almost 20 years but its long arm has finally caught up with him. Let me assure the public that the NBI will be unwavering in its drive to run after the members of this terrorist group,” ayon kay Distor.

Nakaditine ngayon si Jamal sa NBI Detention Center habang sinabihan na ang korte sa pagkakadakip niya upang maharap ang kaniyang kaso.

Show comments