Mahigpit na health protocols sa mga umuuwing OFWs, panatilihin — Duterte

MANILA, Philippines — Hindi umano kaya ni Pangulong Rodrigo Duterte na makipag-kompromiso pagdating sa COVID-19, kaya’t nais nitong manatili ang ipinatutupad na mahigpit na health protocols sa mga bumabalik na overseas Filipino workers (OFWs).

Ipinahiwatig ni Duterte na mabilis ku­malat ang virus na puwedeng dumapo kahit saan at kahit kanino at habang dumarami ay mas nagi­ging malaking problema.

Pinangunahan kamakalawa ng Pangulo ang meeting ng ilang Cabinet secretaries at Department of Health Technical Advisory Group (DOH TAG) on COVID-19 matapos umapela ang mga OFWs na medyo luwagan ang mandatory quarantine guidelines.

Sinabi ni Duterte na naalarma si Labor Secretary Silvestre Bello III na mas nagiging magastos sa panig ng gobyerno ang mahabang mandatory quarantine period sa mga bumabalik na OFWs na kalimitang inilalagay sa mga hotels.

Ipinunto ni Bello na bukod sa economic burden, nagdudulot din ng emotional stress ang mahabang pananatili ng mga OFWs sa mga hotels na sabik na makita ang mga miyembro ng kanilang pamilya.

Anya, sa data ng Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases (IATF-EID), National Task Force Against COVID-19 at mga coronavirus tes­ting centers, ang positi­vity rate ng mga bu­mabalik na OFWs ay 2.07 percent noong 2020 at 1.5 percent nitong 2021 na puwedeng gamiting dahilan para luwagan ang kasalukuyang guideline.

Iginiit naman ng Technical Advisory Group on COVID-19 na labis na mahalaga ang pagpapatupad ng mahigpit na qua­rantine protocols sa mga bumabalik na OFWs upang maingatan na huwag magkaroon ng bagong impeksiyon at mabantayan ang borders ng bansa mula sa mga bagong variants.

Show comments