Marcos, talo talaga – VP Robredo

Ito ang reaksiyon ni Vice President Leni Robredo na sa kabila nang pagpatibay ng PET sa kanyang pagkapanalo noong 2016 elections ay patuloy pa rin umano ang pagpapakalat ng kampo ni Marcos ng kasinunga­lingan at pinapalabas na bahagi lamang ng kaniyang election protest ang dinesisyunan ng korte.

MANILA, Philippines — Talo na talaga si da­ting Sen. Bongbong Marcos sa ipinaglalabang election protest dahil ito ay ipinagtibay na mismo ng Presidential Electoral Tribunal, subalit patuloy umano ang panlilinlang nito sa mga mamamayan.

Ito ang reaksiyon ni Vice President Leni Robredo na sa kabila nang pagpatibay ng PET sa kanyang pagkapanalo noong 2016 elections ay patuloy pa rin umano ang pagpapakalat ng kampo ni Marcos ng kasinunga­lingan at pinapalabas na bahagi lamang ng kaniyang election protest ang dinesisyunan ng korte.

Para kay VP Robredo, makasarili ang ginaga­wang pagpilipit ni Marcos sa katotohanan, dahil ito aniya ay pagyurak, hindi lamang sa kredibilidad ng kaniyang pagkapanalo, kundi pati sa mga institusyon ng pamahalaan.

Binigyang-diin niya na nagkaisa sa pagbasura ng election protest ang 15 mahistrado ng Korte Suprema—taliwas sa pinapalabas ng talunang kandidato.

“Pero hindi lang ito simpleng pagsisinunga­ling. Nakita natin kung papaano iyong ambisyon ng isang tao. Ambisyon ng isang politiko para lang makuha niya iyong kaniyang inaasam ay sisirain niya talaga iyong mga institusyon. Willing siyang sirain iyong mga institusyon—bahiran ng pagduda ang COMELEC, bahiran ng pagduda ang Supreme Court—para lang makamtan niya iyong kaniyang kagustuhan.

Na para bang, para sa akin, walang pakialam. Walang pakialam sa pagsira sa mga democratic institutions para lang sa political gain mo. Tingin ko, ito iyong mas grabe. Iyong mas grabe na wala siyang pakialam,” wika ni Robredo.

Show comments