Rescue ops: 4 kidnaper napatay

MANILA, Philippines — Dead on the spot ang apat na lalaki na kumidnap sa isang Chinese national matapos umanong manlaban sa mga otoridad sa isang rescue operation kahapon ng madaling araw sa Barangay Holy Spirit, Quezon City.

Patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng mga napatay na suspek na pinaniniwalaang mga da­ting miyembro ng Waray-Waray kidnap for ransom (KFR) group.

Batay sa ulat, bago naganap ang shootoout, alas-4:45 ng madaling araw sa hideout ng mga suspek na matatagpuan sa kahabaan ng San Simon Street ng nasabing barangay ay kinidnap ng mga ito ang isang Chinese national na nakilalang si Zhi Fu.

Sa salaysay ng kasama ng biktima na si Li Cheng na sila ay nakatayo sa harap ng UP Town Center, Brgy. UP Campus nang dumating ang mga suspek na armado ng mga baril at puwersahang isinakay sa Toyota Vios si Fu at mabilis na tumakas.

Agad na inireport ni Cheng sa Anti-Kidnapping Group headquarters sa Camp Crame.

Habang nagbibigay ng salaysay si Cheng sa mga imbestigador ay nakatanggap ito ng mensahe sa biktima sa pamamagitan ng WeChat at humihingi ng P20 milyon ransom.

Nagkaroon ng negosasyon at pumayag ang mga suspek na ibaba sa P5 milyon ang ransom na kung saan ay nagsagawa ng rescue operation ang AKG matapos na ma-trace ang hideout ng mga suspek.

Nang mapasok ang hideout ng mga otoridad ay pinaputukan sila ng mga suspek kaya’t gumanti ng putok at napatay ang mga ito.

Nakumpiska sa mga napaslang na suspek ang isang M-16 rifle, isang caliber 45 pistol, isang  caliber 9mm pistol, isang caliber 38 revolver, isang hand grenade, isang motorsiklo, isang Toyota Vios na may plakang XCE939, isang cellular phone at hindi madeterminang halaga ng shabu. - Manny Tupas

Show comments