Serbisyo ng sibilyan tanggapin ng gobyerno — Solon

MANILA, Philippines — Dapat matuwa at tanggapin ang alok na tulong ng mga pribadong sector at ilang mga indibiwal para sa mga ordinaryong mamamayan na naghihikahos o naghahanap ng hustisya.

Ito ang pinaalala ni ACT-CIS Cong. Eric Yap sa lahat ng sangay ng pamahalaan bilang reaksyon sa pahayag ng Department of Justice – Alternative Dispute Resolution na huwag lumapit o humingi ng tulong sa mga television programs tulad ng sa Tulfo brothers para ayusin ang anumang gusot sa pamilya, trabaho o sa komunidad.

Ani ni Yap, maganda kung mas marami ang nahihingan ng tulong ng mga tao dahil hindi kakayanin ng pamahalaan ang lahat ng problema ng mga tao  dahilan kung bakit natetengga ang mga sumbong o reklamo na inilalapit ni Juan o Maria sa mga ahensya ng gobyerno na sa sobrang dami ay hindi na makayanan ng ahensiya.

Magugunita sa isang panayam kay DOJ-ADR Executive Dir. Irene Alogoc noong nakaraang linggo, sinabi nito na huwag lumapit sa mga TV programs tulad ng sa Tulfo brothers kung may mga gusot o problemang dapat ayusin dahil nawawala daw ang “confidentiality” ng kaso.

Pero ayon kay Yap, “mabilis daw kasi ang aksyon ng Tulfo brothers sa mga ganitong isyu kumpara sa mga ahensya ng gobyerno na inaabot ng ilang araw, buwan o taon pa kaya mas gusto ng mga taong lumapit sa kanila o sa media.” Dagdag pa ni Yap,” wala pong mono­polya sa pagtulong at lalong walang paligsahan sa kung sino ang pinakamarami o pinakamabilis o pinakaepektibo na natulungan.”

Show comments