Amok sa PMA: sundalo todas, 2 sugatan

MANILA, Philippines — Isang sundalo ang nasawi habang dalawang kabaro nito ang nasugatan kabilang ang nag-amok kamakalawa ng hapon sa loob ng Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City.

Ang nasawi ay kinilalang si Staff Sergeant Jeofrey Turqueza ng Philippine Air Force habang sugatan naman ang kasama nitong si SSg Vivencio Raton.

Ayon sa ulat, bago naganap ang pamamaril, alas-4:30 ng hapon ay sinira ni Airman Second Class Christopher Lim ang locker ng isa pang sundalo upang kunin ang isang M16 armalite at sinugod ang dalawang biktima na nasa ikalawang palapag ng gusali ng PMA at doon sila pinagbabaril.

Namatay noon din si Turqueza, subalit kahit sugatan si Raton ay nagawa nitong agawin ang baril sa suspek at kanya rin itong binaril.

Sina Raton at Lim ay dinala sa PMA Station Hospital at kalaunan ay inilipat sa Baguio Gene­ral Hospital and Medical Center kung saan sila inoobser­bahan.

Nabatid sa inisyal na pagsisiyasat na mayroong hidwaan sa pagitan ni Lim at ang dalawang biktima na patuloy pang sinisiyasat ng pulisya. - Doris Franche

Show comments