NDF consultant, 1 pa pinatay

Inuupahang apartment pinasok ng 5 lalaki…

MANILA, Philippines — Natagpuang patay ang dalawang lalaki kabilang ang isang peace consultant ng National Democratic Front (NDF) matapos na sila ay pagsasaksakin ng limang hindi pa kilalang salarin na pumasok sa kanilang apartment kahapon ng madaling araw sa Novaliches, Quezon City.

Ang dalawang nasawi ay kinilalang sina Randall “Randy” Echanis, 72, NDFP consultant at kasapi ng NDFP committee on socio-economic reforms, nakatira sa Unit K ng apartment No.14, Petronian St., Brgy. Nova Proper; at si Louie Tagapia, 48, isa umanong militante na nakatira sa katabing Unit J ng apartment.

Ayon sa testigo na si Rheyvan Dy, nagi­sing siya, ala-1:35 ng madaling araw dahil sa ingay na narinig mula sa ikalawang palapag ng apartment at nang sumilip sa bintana ay nakita ang limang lalaki na nagmamadali sa pagtakas.

Tinawag ni Rheyvan ang amang si Reynaldo Dy upang puntahan ang pinagmulan ng ingay at tumambad sa kanila ang wala nang buhay na si Tagapia na nakahandusay sa sahig at nakatali ng nylon cord ang mga kamay sa likuran.Sumunod nilang nakita ang katawan ni Echanis na tigmak din ng dugo at nakahiga sa folding bed.

Sa pagsisiyasat ng SOCO, may saksak sa kanyang ulo si Tagapia habang si Echanis ay sa iba’t ibang parte ng katawan.

Inalis na ng mga im­bestigador ang pagnanakaw bilang motibo sa krimen dahil hindi naman kinuha ang mahahalagang gamit ng mga biktima tulad ng laptop. - Joy Cantos

Show comments