Kamara iimbestigahan ang bangko na nagpautang ng P1.6 bilyon sa Lopez firms

Ayon kay Rep. Eric Go Yap, na mi­yembro ng legislative franchise committee, nadiskubre ang naturang condonation o write-off ng naturang halaga base na rin sa mga isinumiteng dokumento ng ABS-CBN sa isinagawang pagdinig sa kongreso ukol sa kanilang prangkisa kama­­kailan.
File

MANILA, Philippines — Paiimbestigahan ni ACT-CIS partylist Rep. Eric Go Yap sa Kamara ang isang kilalang bangko dahil sa umano’y loan condonation o utang na hindi na pinabayaran na P1.6 bilyon na pumapabor sa mga kumpanya na pag-aari ng pa­milya Lopez.

Ayon kay Yap, na mi­yembro ng legislative franchise committee, nadiskubre ang naturang condonation o write-off  ng naturang halaga base na rin sa mga isinumiteng dokumento ng ABS-CBN sa isinagawang pagdinig sa kongreso ukol sa kanilang prangkisa kama­­kailan.

“Kung totoo ito, napa­kalaki ng nawalang pera sa pamahalaan, at napakala­king kalugihan nito sa ating gobyerno. Kaya hindi dapat ito palampasin at agad na maimbestigahan,” ani Yap.

Sinabi pa ni Yap na hindi nais gipitin ang pa­milya Lopez, ng Kamara na gusto lang ay lumabas kung ano ang katotohanan kaya ipapatawag ang bangko para linawin ang tungkol dito.

Idinagdag ni Yap na pag­papaliwanagin nila ang mga opisyal ng kilalang bangko hinggil sa isyu at ipinadadala rin ang mga dokumento sa nasabing loan condonation.

Sa pagtaya ng solon, lalagpas pa sa P1.6 bilyon ang halaga na sumailalim sa loan condonation na pinakinabangan ng Lopez Holdings Corp. (dating Benpres Holdings Corp.) na siyang nabigyan ng pi­nakamalaking rights sa mga shares ng ABS-CBN Corporation at maliban dito ay nakinabang rin ang iba pang mga kumpanya ng pa­milya Lopez. 

Show comments