11 ospital sa Metro Manila, puno na dahil sa COVID-19

Nasa 97% naman ang okupadong mga COVID beds sa Lung Center of the Philippines, 89% ang East Avenue Medical Center at 83% ang UE Ramon Magsaysay Hospital.
STAR/File

MANILA, Philippines — Dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng nakakahawang virus ay puno na ang mga nakalaang kama para sa COVID-19 patients ng 11 ospital sa Metro Manila habang tatlo pa ang malapit na ring mapuno.

Ito ang inihayag kahapon ng Department of Health at tinukoy ang mga ospital na puno na ang kapasidad mula pa nitong Hulyo 3, ito ay ang Ve­terans Memorial Medical Center; UST Hospital; University of Perpetual Help Hospital; Tondo Medical Center; Seamen’s Hospital; Philippine Children’s Medical Center; Metro North Medical Center and Hospital; Las Piñas Doctors Hospital; De Los Santos Medical Center; Chinese General Hospital and Medical Center at ang Capitol Medical Center.

Nasa 97% naman ang okupadong mga COVID beds sa Lung Center of the Philippines, 89% ang East Avenue Medical Center at 83% ang UE Ramon Magsaysay Hospital.

Nilinaw din ng DOH ang mga lugar na nasa COVID hotspot na iniulat noong nakaraang buwan ng Hunyo at wala pa sa hotspot ang mga siyudad ng Marikina, Muntinlupa, at Makati.

Bumaba ng 68% ang mga naitalang kaso ng COVID sa Marikina, 10% pagbaba sa Muntinlupa at may 4% pagbaba naman sa kaso sa Makati.

Masusi namang binabantayan ng DOH ang Quezon City na nakapagtala ng 34% pagtaas sa mga bagong kaso ng coronavirus.

Show comments