1-anyos na bata nalunod sa drum ng tubig

MANILA, Philippines — Natagpuang patay ang isang taong gulang na batang lalaki nang malunod sa 80-liter plastic water container sa loob ng kanilang banyo, kahapon sa  Brgy. Sta Cruz, Benito Soliven, Isabela.

Sa report ng pulisya, alas-9:00 ng umaga nang iwan ni Ailene Bueno, 20 ang kanyang anak na naliligo sa banyo upang tulungan ang mister niyang nag-aararo sa bukid at pinaubaya ang bata sa ate nitong 6-anyos.

Subalit, lumabas ang ate ng biktima upang magsalok ng tubig sa poso at natagalan na bumalik sa banyo dahil sa bigat ng sinalok na karagdagang pampaligo.

Nang makarating sa banyo ay doon nito nakita ang kapatid na nakasubasob sa loob ng 80 litrong plastic drum ng tubig kaya’t nagsisigaw ng saklolo ang ate sa mga kapitbahay na nagdala sa ospital sa bata subalit hindi na ito umabot nang buhay.

Show comments