Baragay chairman inireklamo

Puro kaanak ang nasa listahan ng bibigyan ng relief packs

MANILA, Philippines — Hinihingan ng paliwanag ni Manila Police District Special Mayor’s Reaction Team (MPD SMaRT) head P/Major Rosalino Ibay Jr. si Barangay 251 Chairman Reynaldo Angat ukol sa sumbong sa maanomalyang listahan nito sa mga pamamahaginan ng food packs na galing sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila pero pawang nakalista ay mga kaanak niya at trabahador sa kanyang negosyo.

Sinabi ni Ibay na 29 na tao na nasa listahan ni Angat ay pare-parehong nakatira sa No. 1781 Almeda Street sa Tondo ngunit nakatala na buhat sa magkakaibang pamilya na ang address ay kinaroroonan ng pribadong negosyo ni Angat.

Ang mga apelyido ng mga nakatala ay pawang mga Angat at Legaspi na mga kaanak diumano ng chairman habang ang ibang apelyido ay mga trabahador sa negosyong ‘auto repair works’.

Ipinaalala ni Ibay na maaaring maharap sa patung-patong na kasong paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act, Code of Conduct and Ethical Standard for Public Official and Employees, Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang naturang chairman.

Nabatid naman na aabot na sa 168,272 food boxes ang  naipamahagi ng Pamahalaang Lungsod sa mga residente habang umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).  Target ng lokal na pamahalaan na makapamahagi ng 350,00 food boxes para sa 1.8 milyong Manileno.

Show comments