38,501 PUMs, 138 PUIs naitala sa Cagayan Valley

SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Lumobo sa 38, 501 ang bilang ng mga persons under monitoring (PUMs), 138 naman ang persons under investigation (PUI) habang isa ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa Cagayan Valley (Region-02), ayon sa ulat ng Department of Health (DOH) kahapon.

Ayon kay Sharmaine Barangan ng DOH-Region 2 ang biglang paglobo ng bilang ng mga PUM sa rehiyon ay bunsod ng Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon, kung saan nagsi-uwian ang maraming mga residente ng Cagayan Valley mula sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.

Batay sa talaan ng DOH-Cagayan Valley, ang lalawigan ng Cagayan ang may pinaka-maraming bilang ng PUM na umabot sa 14,149; Isabela na may 22,441 na bilang; 1, 608 sa Quirino; 238 sa Batanes at 111 sa Nueva Vizcaya.

Kinumpirma rin ng DOH-Cagayan Valley ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 matapos magpositibo sa nasabing virus ang isang kawani ng gobyerno.

Ayon kay Dr. James Mathew Guzman, Tuguegarao City health officer, ang 44-anyos na isang Fire Officer na residente ng Caritan Norte, Tuguegarao City ay si patient PH275 batay sa national database ng DOH.

Sinabi naman ni Dr. Glenn Baggao, hepe ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na nasa stable na kalagayan ang pasyente sa unang kumalat na balita na patay na.

Nanawagan naman si Mayor Jefferson Soriano ng Tuguegarao City sa mga lulan ng bus na agad makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan o sa DOH-Region 2 o tumawag sa mga numerong 0917-6596959 or 0917-6542112.

Show comments