Closed van nabagsakan ng container van: 2 patay

MANILA, Philippines — Namatay noon din ang driver ng 6-wheeler closed van na si Willy Solis, 44 at kanyang pahinante na si Rogin Dacaymat, 20 matapos na mabagsakan ang kanilang sasakyan ng isang 40 footer container van naganap kahapon ng madaling araw sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay San Pascual, Talavera, Nueva Ecija.

Himalang nakaligtas ang isa pang pahinante na nakilalang si Alexander Aranas, 49, may-asawa ng Sta. Quiteria, Caloocan City.

Habang kinasuhan ng reckless imprudence resulting to double homicide and damage to pro­perty ang driver ng trailer truck na may kargang 40 footer container van na si Gonzalo Calipes Jr., 46, ng Tondo, Maynila.

Sa ulat, bago nangyari ang aksidente, alas-3:05 ng madaling-araw ay minamaneho ni Solis ang isang 6-wheeler closed van (JM-3879) habang ang trailer truck (TQR-74) na may sakay na 40-footer container van ay minamaneho ni Calipes na patungong Maynila.

Nang bigla na lamang umanong iniwasan nito ang nag-overtake na hindi pa tukoy na sasakyan na nagresulta sa pagsabit ng container van sa isang malapad na sanga ng punong acacia na nasa gilid ng highway.

Nagkataong kasabay ang closed van ni Solis at dito bumagsak ang container van ni Calipes na ikinasawi ng mga biktima.

Show comments