4 holdaper nang-agaw ng baril, patay

Habang dinadala sa presinto...

MANILA, Philippines — Patay ang 4 sa pitong suspek na inaresto ng mga otoridad sa panghoholdap matapos mang-agaw umano ng baril ang mga ito habang ibinibiyahe sa presinto sa Bogo City, kamakalawa ng gabi.

Ang apat na napatay ay kinilalang sina Kevin Andales; Wilfredo Enguito; Philip Taborada; at Glen Tairos.

Ang iba pang naaresto ay kinilalang sina Roel Sumingit, 35, ng Tangub City, Misamis Occidental; Jun Candelaria, 38, ng Naga City, Bicol; Julivy Quirante, 43, ng Tangub City;  Arnel Cimafranca, 38, ng Tangub City; at isang hindi pa nakilalang lalaki.

Bago nangyari ang insidente, pasado alas-11:00 ng gabi ay hinoldap dakong alas-8:00 ng gabi nang mahigit 10 lalaking armado ang isang pawnshop at money changer sa loob ng J Centre Mall sa Brgy. Bakilid, Mandaue City.

Ayon sa Mandaue City Police Office, na pinamumunuan ni P/Col. Jonathan Abella, na hu­mingi sila ng tulong sa sa mga police stations sa lalawigan na agad kumilos at namataan ang mga suspek na sakay ng Toyota Innova (ZEM-489), tatlong motorsiklo sa isang wharf sa Brgy.Pulambato, Bogo City batay sa paglalarawan na ibinigay ng Mandaue Police.

Kaagad na inaresto ang mga suspek  at narekober ang ilang armas, cellular phones, libu-libong halaga ng cash money, at mga damit.

Binitbit ng mga otoridad ang mga suspek patungo sa Bogo Police City Station, ngunit bago pa man makarating sa presinto ay bigla na lang umanong nang-agaw ng baril ang apat sa mga suspek, kaya’t napilitan ang mga otoridad na paputukan ang mga ito.

Isinugod pa ng mga pulis ang mga suspek sa provincial hospital ngunit hindi na umabot ng buhay.

Show comments