Sen. Go, isinalba ang kabuhayan ng midwives

Nabatid na ang admi­nistrative order 26 ay nagbabawal sa mga midwives at lying in clinic na magpaanak kapag unang sanggol ng isang ina at panglima na baby o higit pa.
File

MANILA, Philippines — Isinalba ni Sen. Bong Go ang trabaho at kabuhayan ng libu-libong midwives at lying-in clinic sa bansa makaraang pigilin nito ang implementasyon ng DOH administrative order 26-2019.

Nabatid na ang admi­nistrative order 26 ay nagbabawal sa mga midwives at lying in clinic na magpaanak kapag unang sanggol ng isang ina at panglima na baby o higit pa.

Si Sen. Go, ay siyang Chairman ng Committee on Health ng Senado ay nagsabing dapat munang pag-aralang mabuti ang kautusan ng DOH dahil marami ang maapektuhan.

“Kailangan ng konsultasyon at pag-usapan ng DOH, midwives at lying-in clinic owners kung ano ang makakabuti para sa lahat,” ayon kay Sen. Go.

Katwiran ng DOH, maselan ang mga buntis sa ganung kalagayan at kailangan ng todong medical attention sa ospital.

Sinabi naman ni Patricia Gomez, executive director ng Midwives Association of the Philippines, pinagbasehan lang ng DOH ang pag-aaral na isinagawa sa mga buntis sa Pakistan at Nigeria at hindi dito sa Pilipinas.

Mataas ang mortality rate sa panganganak sa mga nasabing bansa dala marahil sa environmental conditions o experience ng mga nagpapaanak doon.

Sa pakiusap ni Sen. Go, sinuspinde ng DOH ang implementasyon ng naturang kautusan na labis namang ipinagpapasalamat ng libu-libong midwives at mga may-ari lying-in clinic sa bansa.

Show comments