Trak salpok sa puno, 1 utas 3 sugatan

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, patungo sa Bicol Region ang nasabing trak na kargado ng mga saku-sakong bigas.
File

MANILA, Philippines — Patay ang isang pahinante habang malubhang nasugatan ang tatlong iba pa makaraang bumangga ang kanilang sinasakyang delivery truck sa isang puno sa gilid ng national highway na sakop ng Brgy. Sta. Catalina, sa bayan ng Atimonan, Quezon, kamakalawa ng umaga.

Dead-on-arrival sa pagamutan sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Jerry Comoseno, 35; samantalang patuloy na nilalapatan ng lunas sa Doña Martha General Hospital ang driver ng Fuso truck (AAB-3602) na si Zoren Buenaventura, 23, isa pang pahinante na si Roberto Eglobo, 24 at manager nilang si Francisca Dyico, 60 pawang mga residente ng Gapan, Nueva Ecija.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, patungo sa Bicol Region ang nasabing trak na kargado ng mga saku-sakong bigas.

Pagsapit sa kurbadang bahagi ng kalye ay nawalan ng kontrol sa manibela ang driver nito na naging sanhi upang magpagiwang-giwang hanggang sa tuluyang bumangga sa puno dakong alas-6:30 ng umaga.

Show comments