Kotse sumalpok: 1 estudyante todas, 3 kritikal

MANILA, Philippines — Nauwi sa trahedya ang pagro-road trip ng 5 estudyante matapos ang kanilang sinasakyang kotse ay sumalpok sa gate ng isang bahay at isang pampasaherong bus, kahapon ng mada­ling araw sa kahabaan ng E. Aguinaldo Highway, Brgy. Lalaan II, Silang, Cavite. 

Ang nasawi ay kinila­lang si Ralph Resare, 19, ng Richmond Homes, Brgy. Navarro, Gen, Trias City. Habang kritikal ang tatlong kasama nitong sina Charmaine Garcia, 19, ng Brgy. Bacao 1 Purok 3, Gen. Trias; Dani­ca Faith Posadas, 18, ng Richmond Homes, Brgy. Navarro, Gen. Trias City; at Gabriel Macasojot, 19.

Nasa kustodiya ng pulisya ang driver ng kotse na si Mark Alba, 22, ng Lancaster, Brgy. Navarro, Gen. Trias City.

Sa ulat ng pulisya, bago nangyari ang aksidente, ala-1:55 ng madaling araw sa nasabing lugar ay sakay ang mga estudyante ng Toyota Vios Sedan (AJA-1615) na mabilis na minamaneho ni Alba patungo sa direksyon ng norte nang mawalan ng preno.

Tuloy tuloy itong su­malpok sa kongkretong gate na pag-aari ni Justina Manalo Servas, 73 na kung saan ay hindi pa din huminto ang kotse kayat nang matabig ni Alba ang manibela ay siya namang pagdating ng Kersteen bus (UVM-469) at sila ay nasalpok.

Sa lakas nang pagkakasalpok ay nayupi na parang lata ang kotse na agad ikinasawi ni Resare.

Show comments