Principal, misis patay sa sagasa ng sports car

MANILA, Philippines — Kinarit ni kamatayan ang isang principal sa isang eskuwelahan sa elementarya at misis nito makaraang aksidenteng magulungan ng isang humahagibis na sports car sa Iloilo City nitong Sabado ng umaga.

Sa ulat ng Iloilo City Police, kinilala ang mga nasawi na sina Jomarie Osano at misis nitong si Alnie Dinah; pawang mga residente ng La Paz District ng lungsod ng Iloilo. Si Jomarie ay principal sa La Paz II Elementary School sa naturang siyudad.

Base sa imbestigasyon, bandang alas -6:20 ng umaga habang tumatawid sa pedestrian lane ng kalsada ang principal na si Jomarie kasama ng misis nito nang masagasaan at magulungan ang mga ito ng humahagibis na 2 door Mazda MX5 na minamaneho ni Jun Paul Valencia, 32 taong gulang .

Nabatid na ang mag-asawa ay galing sa paglalakad at jogging at patawid na sa nasabing kalsada nang mangyari ang trahedya.

Matapos ang ilang oras ay boluntaryo namang sumuko si Valencia, taga-Mandurriao, Iloilo sa himpilan ng pulisya upang harapin ang kinasangkutang krimen.

Show comments