Leni,Trillanes pananagutin sa ‘Project Sodoma’-PNP

MANILA, Philippines — Kaugnay ng planong pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kapangyarihan sa tinawag na “Project Sodoma” ay pananagutin sa batas ng PNP ang nasa likod ng planong ito sa pangunguna ni Senador Antonio Trillanes, na umano ay utak, Vice President Leni Robredo at iba pang mga personalidad sa Liberal Party  (LP).

Ito ang sinabi ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde kaugnay nang bagong rebelasyon ni Peter Joemel Advincula alyas ‘Bikoy’ upang masampahan ng kaso ang mga perso­nalidad  na sangkot  sa viral video sa “Ang Totoong Narcolist” na nagdadawit sa ilang miyembro ng pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte at mga kaalyado nito sa illegal drug trade sa bansa.

 “Lahat ng klaseng ebidensya, kukuhanin namin sa kaniya...Kung mayroon kaming makitang ebidensya laban sa kahit sinong tao rito, we will not hesitate to file cases. ,” pahayag ni Albayalde nang matanong kung sasampahan ng kasong ‘inciting to sedition’ si Senador Trillanes at maging ang iba pang personalidad sa LP na idinawit ni Bikoy sa Project Sodoma.

Ito’y matapos na pa­ngalanan ni Bikoy sina Trillanes, Leni Robredo at mga kandidato umano ng Ocho Diretso gayundin ang iba pang mga perso­nalidad sa Liberal Party sa Project Sodoma.

Sa kanyang pagharap sa media ay binawi lahat ni Bikoy ang kanyang alegasyon sa droga sa pamilya Duterte at mga kaalyado nito na umano’y ‘scripted’ lamang ng oposisyon.

Ayon kay Bikoy si Trillanes umano ang nasa likod ng plano para mapatalsik sa puwesto si Pangulong Duterte at iluklok sa puwesto si Robredo.

Sinabi nito na tumakas lamang siya sa kanyang handler sa isang condominium unit sa Pasig City na kung saan ay pina­ngakuan umano siya ng “presidential pardon” ng oposisyon kapag  nagtagumpay ang Project So­doma na siyam na buwang plinano.

Inihayag ng PNP Chief, na kukunin nila ang sworn statement ni Bikoy patungkol sa kanyang mga bagong alegasyon sa presensya ng kanyang abogado matapos na sumailalim sa standard booking procedure. 

Itinanggi naman ni ­Robredo, ilang opisyal ng LP, at ni Trillanes ang mga paratang ni “Bikoy.”

Ayon kay Robredo, bagaman ilang beses siyang nakipagkita kay Trillanes, wala silang napag-usapan ukol sa destablization plot.

Handa raw si Robredo na humarap sa ano mang imbestigasyon dahil panatag ang kanyang loob sa katotohanan.

Itinanggi rin ni LP president Sen. Francis “Kiko” Pa­ngilinan sa isang pahayag na may kaugnayan ang partido kay “Bikoy.”

Show comments