Angel gustong gawing Gabriela Silang

Ngayon naman, may nagsasabing ang binabalak naman daw na ipagawa kay Angel Locsin ay ang filmbio ni Gabriela Silang. Ewan namin kung magagawa naman iyan ni Angel dahil masyadong maaksiyon at hindi natin alam kung ano nga ba ang kalagayan ng problema niya sa kanyang likod.

Natatandaan naming noong araw, ang buhay ni Gabriel Silang ay ginawa na rin ng noon ay tinatawag na action queen na si Virginia Aristorenas, at muntik na rin siyang mahulog sa kabayo sa pelikulang iyon.

Hindi natin alam kung ano ang magiging epekto kay Angel ng ganoong klaseng stress sa shooting ng isang pelikula.

Isa pa, kailangan siguro nating isipin, bagama’t mahalaga ang mga ganyang mga pelikula dahil muling nagbubukas sa ating isipan sa buhay ng mga bayani ng ating lahi, pero una magastos iyan dahil period movie. Ikalawa, talaga bang may market ang ganyang pelikula? Sa mga pelikulang nagawa lately tungkol sa mga bayani, ang kumita nang husto ay ang Heneral Luna. Una, maganda ang pagkakagawa. Ikalawa may controversy kasi sa kuwento na nakatawag ng interest ng mga tao.

Iyong sumunod doon na Goyo: Ang Batang Heneral, naghingalo na bagama’t maganda rin ang pelikula. Ilang pelikula tungkol kay Jose Rizal ang mahina rin, maliban nga sa Jose Rizal ni Marilou Diaz-Abaya.

Kailangan kasi medyo naiiba ang material. Siguro kung medyo kontrobersiyal din ang kuwento, halimbawa ang buhay ni Juan Luna at ang nangyari sa kanyang asawang si Maria Pardo de Tavera, baka sakaling pasukin iyan ng mga tao. Iyon nga lang libro na nasulat tungkol diyan marami ang bumili eh. Alam naman ninyo ang mga Pinoy, mahilig sa kuwentong may kahalong tsismis.

Ciara puwede na uling pakasal

Kung ang pag-uusapan ay legal, maaari na ngang muling mag-asawa si Ciara Sotto dahil nakakuha na siya ng annulment mula sa kasal ng kanyang dating asawa.

Inaamin naman niya, at matapos ngang makakuha ng annulment, lumalabas na siya in public kasama ang kanyang bagong boyfriend na si Ian Austin.

Pero sa palagay namin, kung noong una ay na­ging maluwag nga sina Senador Tito Sotto at Helen Gamboa sa pag-aasawa ng kanilang bunsong anak, baka ngayon mas maghigpit pa sila.

Walang magulang ang gustong nasasaktan o nahihiwalay ang kanilang anak. Nakita naman nila kung papaanong nasaktan si Ciara sa kanyang unang marriage, dahil noong matuklasan niyang may third party na nga sa kanilang buhay ay nagbalik siya sa kanyang mga magulang. Natural lang kung mag-ingat sina Tito at Helen na maulit na naman ang ganoon.

Aktor na pinagpalit ng asawa sa DOM wala nang mapuntahan!

Matapos na magkabukuhan ang isang male star at ang businesswoman na medyo matrona nang naka-affair niya, mukhang wala na ngang mabola sa ngayon ang male star. Mukhang lumalabas na pineperahan na lang niya ang lahat ng babaing makasama niya. Siguro epekto naman iyan ng pagkaka-iwan sa kanya ng babaing pinakasalan niya na nakipaghiwalay sa kanya ulit dahil sa isang DOM.

Pero ang kawawang male star ngayon, wala nang mapuntahan. Maski iyong naging gay bene­factor niya noong araw, mayroon nang mas bagets at mas sikat kaysa sa kanya na ka-affair ngayon. Bakit pa nga ba siya babalikan eh matanda na rin naman siya.

Show comments