Suspek sa pagnanakaw, ‘nang-agaw ng baril,’ patay sa presinto

MANILA, Philippines — Idineklarang dead on arrival ang isang lalaki na suspek sa pagnanakaw matapos putukan ng pulis na inaagawan umano nito ng baril sa loob ng Sibama Police Community Precinct sa Sampaloc, Maynila kahapon ng madaling araw.

Ang suspek na napatay dahil sa tama ng bala sa mukha ay kinilalang si Brando Madid, nasa 30-35 anyos, residente ng Pier 15, Port Area, Maynila.

Batay sa ulat, bago naganap ang insidente dakong ala-1:34 ng madaling araw ay dinakip si Madid dahil sa pagnanakaw umano ng pitaka sa isang lasing na lalaki sa kalye.

Dinala ito ng mga barangay tanod sa nasabing police station at habang ipinoproseso ni Patrolman Rodolfo Foronda Jr., at nakatalikod ay inagaw umano ng suspek ang baril na nauwi sa pambubuno hanggang sa kalabitin ng pulis ang gatilyo at tinamaan ang suspek sa pisngi.

Dinala pa ang suspek sa kalapit na pagamutan, subalit hindi na umabot ng buhay.

Nakatakdang imbestigahan si Patrolman Foronda Jr., dahil sa pagiging kampante sa kabila ng may kasamang suspek na hindi naman umano nakaposas.

Show comments