Survey sa Metro Manila mayoralty race, inilabas

MANILA, Philippines — Mga datihan, mga batang kandidato at mga may karanasan bilang epek­tibong lider ang nais ng mga botante na ihalal sa nalalapit na May 2019 mayoralty race sa Metro Manila.

 

Ito ang lumitaw sa kanilang February 1-10, 2019 non-commissioned survey na nilahukan ng may 2,500 respondents sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila na isinagawa ng RP-Mission and Deve­lopment Foundation Inc. (RPMD Inc).

 

Ayon kay Dr. Paul Martinez ng RPMD Inc., mananatili ng isa pang termino sa posisyon ang mga re-electionists na sina Abigail Binay (70%) ng Makati City, Edwin Olivarez (43%) ng Parañaque City, Imelda Aguilar (68%) ng Las ­Piñas City, Jaime Fresnedi (65%) ng Muntinlupa City at Miguel Ponce III (55%) ng Pateros.

Si Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte, anak ni dating Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte Jr., ang top choice para sa pagka-alkalde sa Quezon City matapos na makakuha ng 72 percent laban kay Rep. Vincent “Bingbong” Crisologo na may 18 percent naman.

Sa Taguig City, si ex-Rep. Lino Cayetano, hipag ni incumbent Mayor Lani Cayetano ay nakakuha ng 75 percent laban kay Taguig-Pateros Rep. Arnel Cerafica na may 17 percent lamang.

Si Pasig City Mayor Robert Eusebio na isa ring re-electionist, ang nanguna sa survey matapos na makakuha ng 75 percent laban kay Vico Sotto, anak ni TV host Vic Sotto na may 21 percent.

Si dating Manila Vice Mayor Isko Moreno ay nakakuha ng 45 percent, laban kina incumbent Mayor Joseph Estrada na may 26 percent lamang at dating Mayor Alfredo Lim na may 24 percent, sa isang three-corner fight.

Ang iba pang nanguna sa May 2019 candidates for Mayor sa Metro Manila, base sa survey ng RPMD Inc. ay sina Toby Tiangco (56%) ng Navotas City; Oscar Malapitan (90%) ng Caloocan City; Rex Gatchalian (95%) ng Valenzuela City; Francis Zamora (48%) ng San Juan; Carmelita Abalos (86%) ng Mandaluyong City; Antolin “Lenlen” Oreta III (52%) ng Ma­labon City. Sinabi pa ni Martinez, patuloy silang magsasagawa ng mga independent surveys na tinawag na “Halalan 2019 NCR Survey” para sa May 2019 elections.

Show comments