Digong wala sa katinuan-Obispo

MANILA, Philippines — Hinamon ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity si Pangulong Rodrigo Duterte na tingnan muna ang mga nagawa nito sa bansa bago bantaan ang kaniyang mga kritiko.

 

Ayon sa Obispo, kung nagbibiro na naman ang pangulo ay hindi na dapat ito pansinin, subalit kung seryoso sa kanyang pahayag ay maaaring wala na ito sa katinuan.

“Una sa lahat tingnan natin baka nag-jo-joke na naman siya. Pero kung hindi siya nag-jo-joke, yan po ay isang concern na masasabi nating may serious (problem) ang presidente, he is out of his mind.”ani Bishop Pabillo.

Naniniwala si Bishop Pabillo na bahagi ng demokrasya sa bansa ang paghahayag ng mga puna sa mga namumuno sa bayan upang mas mapabuti ang kalagayan ng lipunan.

Anya, hindi dapat gamiting solusyon ang pagpatay sa mga kritiko upang maipakita na inaalala ng isang pinuno ang kanyang bansa.

Iginiit ng Obispo na lahat ng mamamayan ay may pakialam sa bayan kaya naman mas dapat pang pa­salamatan ng pangulo ang kanyang mga kritiko dahil nais lamang nitong makatulong sa pagsasaayos ng bansa.

Show comments