Police ops sa Southern Metro Manila… 152 kalaboso, P2 milyong shabu kumpiskado

Habang nasa likod si NCRPO Chief Guil­lermo Eleazar, nakayuko’t nahihiyang makuha­nan ng litrato ang nasa higit 150 na nadakip sa ikinasang simulta-neous police operation sa nakalipas na magdamag sa ibat-ibang lugar ng Southern ­Metro Manila kung saan nakakumpiska ng mahigit sa P2-milyong halaga ng shabu at P200-libong halaga ng marijuana ang mga otoridad mula sa mga suspek.
KJ Rosales

MANILA, Philippines — Sa selda ang bagsak ng 152 katao kabilang ang isang mag-asawa na No.7 Most Wanted dahil sa pagkakasangkot sa droga habang tumataginting na P2-milyon halaga ng shabu at P200-libong halaga naman ng marijuana ang nakumpiska sa ikinasang simultaneous police ­operation sa nakalipas na magdamag sa ibat-ibang lugar ng Southern Metro Manila.

 

Alas-11:00 kahapon ng umaga nang iprinisinta nina National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Guillermo Eleazar at Southern Police District (SPD) Director Senior Supt. Eliseo Cruz ang mga nadakip na suspek na may ibat-ibang kaso sa area ng Pateros, Taguig, Las Piñas, Pasay, Muntinlupa, Parañaque at Makati City.

Ang mga nadakip na suspek ay pawang sangkot sa droga, nahulihan ng patalim, baril at mga wanted personalities.

Nagsagawa ng ­operasyon ang mga pulis mula alas-8:00 ng umaga  Biyernes hanggang kahapon Sabado, alas-8:00 ng umaga.  

Nakumpiska ng mga pulis mula sa mga suspek ang mahigit sa P2-milyong halaga ng shabu at P200-libong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana.

Samantala, ala-1:57 kahapon ng umaga ay nadakip ng mga tauhan ng Taguig City Police ang mag-asa­wang suspek na sina Maria Imelda Patalinhug, 30 at Gilbert Patalinhug, 32 sa bahay nito sa  Banama St.,  Purok 3, Brgy. New Lower Bicutan.

Ito’y matapos na makatanggap ng report na ginagawa umanong drug den ng mag-asawa ang kanilang tahanan.

Nakumpiska sa mag-asawang Patalinhug ang 10 pakete ng umano’y shabu na may timbang na 50 gramo at drug pharaphernalias.

Nakapiit ang mga suspek sa detention cell ng Taguig City Police at sasampahan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o RA 9165.

Show comments