Chinese timbog sa P170-M shabu

Naaresto ng PDEA sa buy bust operation ang Chinese national na si Lin Hua Sen, 42 at nakumpiska sa kanya ang 25 kilo ng shabu na may street value na P170 milyon na nakita sa loob ng kanyang Honda Civic (XCC- 553).
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Isang 42-anyos na Chinese national ang nadakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang drug buy bust ­operation kahapon ng hapon sa Ermita, Maynila.

Ang naarestong suspek ay nakilala sa pamamagitan ng kanyang driver’s license na si Lin Hua Sen, residente ng Bagong Nayon, Antipolo City at nasamsam sa kanya ang nasa 25 kilo na nagkakahalaga ng P170 milyon halaga ng high grade shabu.

Batay sa ulat ng PDEA, bago mag-alas-2:00 ng hapon nang maaresto ng kanilang mga tauhan ang suspek habang sakay ng kanyang kulay gray na Honda Civic na may plakang 553-CC, malapit sa isang kilalang hotel sa service road sa Roxas Boulevard, Ermita.

 Nauna rito, nagsagawa ng buy bust operation ang PDEA laban sa suspek matapos matukoy na sangkot ito sa multi-milyong pisong transaksiyon ng illegal na droga.

Ang suspek ay sasampahan ng kasong pag­labag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Show comments