Housemaid arestado sa ninakaw na P1.3 milyon alahas

MANILA, Philippines —  Swak sa kulungan ang isang kasambahay matapos nitong pagnakawan ang kanyang amo ng mga alahas na nagkakahalaga ng mahigit P1-milyon kamakalawa sa Parañaque City.

 

Nakakulong ngayon sa Parañaque City Police ang suspek na si Maria Teresa Dela Cruz, nasa hustong gulang.

Alas-4:00 ng hapon nang madakip ito ng mga kagawad ng Parañaque City Police mismo sa bahay ng amo nitong si Maria Bernardita Martin, 40 sa Nicanor Jacinto St., Phase 2, BF Homes ng naturang lungsod.

Sa reklamo ni Martin sa mga pulis, nagulantang na lamang siya nang ma­diskubre niya na nawawala ang kanyang mga alahas na nagkakahalaga ng P1.325 million na nakalagay sa kanyang traveling bag sa loob ng kanilang master bedroom.

Kung kaya’t kaagad niyang inireklamo sa pulisya ang insidente. Dahil dito,  nagsagawa ng ocular inspection ang mga pulis sa bahay ni Martin at sinailalim sa interosgasyon ang apat na kasambahay kabilang dito ang suspek.

Napag-alaman ng pu­lisya, na ang suspek lamang ang inuutusan ng amo na maglinis ng master bedroom, dahil dalawang taon na itong naninilbihan at pinagkakatiwalaan  na ito.

Na-recover kay Dela Cruz ang isang maliit na pouch na naglalaman ng naturang halaga ng mga alahas.

Inamin ni Dela Cruz sa mga pulis na siya ang nagnakaw ng mga alahas at ang iba nito ay ibinenta niya sa isang money changer shop.

Show comments