Mandatory drug test sa Grade 4, labag sa batas-DepEd

MANILA, Philippines — Labag umano sa batas ang panukala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isailalim sa mandatory drug testing ang mga estudyante na nasa Grade 4 sa bansa.

Ito ang inihayag ni Department of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones, alinsunod sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang sakop lamang ng random drug testing ay ang nasa secondary level at kolehiyo lamang.

Ayon pa kay Briones, napaka-istrikto rin ng protocol ng Privacy Commission sa drug testing, lalo na kung sa mga bata ito isasagawa, at napaka-kumplikado ng proseso, upang matiyak ang proteksiyon ng karapatan ng mga indibidwal na susuriin dito.

Anya, milyun-milyong estudyante ang pinag-uusapan dito kaya’t napakalaking trabaho na magmimistula na aniyang isang bangungot.

Iminungkahi pa ni Briones sa PDEA na hintayin na muna ang resulta nang isinasagawa nilang drug testing sa lahat ng kanilang mga regional offices at random drug testing sa mga kabataan, bago gumawa ng panibagong panukala.

Sa kasalukuyan ay may ilang grupo na ang tumututol sa panukala habang ang iba naman ay nagpapahayag ng kani-kanilang suporta.

Show comments