Dalaga gutay sa tren

Natatakpan ng mga dahon ng saging ang lasug-lasog na katawan ng di pa natutukoy na dalaga na nasawi matapos na kaladkarin ng isang tren ng PNR sa San Andres sa Maynila kahapon ng umaga.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Pinaniniwalaang kusang nagpakarit kay Kamatayan ang isang dalaga nang bigla itong tumawid sa riles at sinalubong ang paparating na tren ng Philippine National Railways (PNR) kahapon ng umaga sa Perlita St., San Andres, Maynila.

Nagkalasug-lasog ang katawan at halos di na makilala sanhi ng matinding pinsala sa kanyang mukha ang biktimang isinalarawan na nakasuot ng kulay gray na t-shirt at dilaw na short pants at nasa edad 16-25.

Batay sa imbestigasyon ni PO2 Rey Rabut ng Manila Police District (MPD), dakong alas-6:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa nabanggit na lugar kung saan nakaladkad ng tren ang biktima ng 15 hanggang 20 metro.

Inaalam na rin ng pulisya sa barangay na nakakasakop sa pinangyarihan ng aksidente para makapangalap ng karagdagang impormasyon sa pagkakakilanlan ng biktima.

Bago ito, nabatid na ilang ulit umanong tinawagan ng pansin ang babae ng mga taong nakasaksi pero tila wala ito sa katinuan at nagtuloy tuloy pa rin sa paglalakad.

Show comments