6 pulis-Pasig sinipa sa puwesto

Tulog, missing on duty…

MANILA, Philippines — Sinipa sa kani-kanilang puwesto ang anim na pulis-Pasig matapos na mabulaga sa surprise inspection ng kanilang mismong hepe habang mahimbing at naghihilik pa na natutulog sa loob ng himpilan ang apat na tauhan at missing-in-action ang dalawa pa na iniwan ang kanilang puwesto nang walang paalam kahapon ng madaling araw.

Kaagad sinibak sa puwesto ni Eastern Police District (EPD) Director P/Chief Supt. Alfred Corpus ang apat na nahuling natutulog na pulis na sina SPO1 Ricardo Allapitan, SPO1 Rustom Valdez, PO3­ ­Higino Dancel, at PO2 Apolo Labrador, gayundin ang mga pasaway na sina PO2 Danilo Damasco at PO2 Patrick Baldemor na umalis nang walang paalam sa kanilang puwesto.

Batay sa ulat ni P/Sr. Supt. Orlando Yebra Jr. kay Eastern Police District (EPD) Director, P/Chief Supt. Alfred Corpus, nabatid na dakong alas-3:20 ng madaling araw ay nagsagawa siya ng surpresang inspeksiyon sa Investigation Section at Traffic Section ng Pasig City police headquarters.

Dito ay tumambad kay Yebra ang apat sa kanyang mga tauhan na nakahubad ng mga sapatos, nakataas pa ang mga paa, naghihilik at mga nakahilata sa kani-kanilang upuan, habang dalawa pa sa mga ito ay wala sa kanilang mga puwesto.

Sa ngayon, ani Corpus ay inihahanda na nila ang pagsasampa ng kasong administratibo laban sa anim at hinihingan ng paliwanag ang kanilang hepe.

Show comments