Radio broadcaster grinanada
MANILA, Philippines — Nawasak ang pick-up truck ng isang broadcast journalist na nakaparada malapit sa bahay nito matapos itong hagisan ng isang granada ng ‘di pa natukoy na mga suspek sa Legaspi City, Albay kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni Senior Inspector Nuell Ramos, tagapagsalita ng Albay Police, dakong ala-1:15 ng madaling araw nangmagising si Hermogenes “Jun” Alegre Jr., 47-anyos, at ang kanyang pamilya dahil sa isang malakas na pagsabog sa labas ng kanilang tahanan sa Kabisig Street, Purok 5, Our Lady’s Village, ng naturang lugar.
Nang puntahan ay nakitang nagkabutas-butas dahil sa tama ng granada ang ilalim ng kanyang sasakyan (YX-7439) at nadamay pa ang isang nakaparadang kotse.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, isang uri ng MK2 type fragmentation grenade ang pinasabog ng mga suspek matapos makuha ang safety lever at ilang bahagi ng granada.
Nabatid na si Alegre ay station manager ng Zagitsit News FM station at correspondent din sa Albay ng DzRH.
Patuloy sa ginagawang imbestigasyon ang mga pulis sa motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek.
- Latest