Wanted arestado habang kumukuha ng police clearance

MANILA, Philippines — Isang lalaki ang arestado nang mabuking na wanted sa batas at may kinakaharap palang kasong kriminal, habang kumukuha ng police clearance sa tanggapan ng Quezon City Police District (QCPD) clearance section sa QC Hall complex, iniulat kahapon.

Kinilala ni QCPD Director, P/Chief Superintendent Guillermo Lorenzo  Eleazar ang suspek na si Geremil Galang, 38, at residente ng Marilao, Bulacan.

Si Galang ay inaresto agad-agad ng mga pulis dahil sa nakabinbing warrant of arrest sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004, na inisyu ni Hon. Cleto R. Villacorta III, presiding judge ng QC Regional Trial Court, Branch 229, at may katapat na piyansang P12,000.

Nabatid na kumuha ng police clearance ang suspek ngunit na-’hit’ ito nang ipasok ang kanyang pangalan sa computerized system.

Sa beripikasyon, natuklasang wanted pala sa batas ang suspek kaya’t kaagad na inaresto ng mga awtoridad  dakong alas-9:50 ng umaga kamakalawa.

Show comments