Mister naburyong, sariling bahay sinunog

Matapos ang tatlong oras, tagumpay na napahupa at nadakip ng mga miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team ng Pasig Police na pinamumunuan ni P/Sr. Supt. Orlando Yebra at ng Bureau of Fire Protection ang dating drug addict na si Albert Terreon na na-praning matapos na sunugin ang kanyang sariling bahay at nagbantang papuputukan ng caliber .38 ang mga nagrespondeng bumbero sa Summerville, Pinagbuhatan, Pasig City kahapon. (Kuha ni Boy Santos)

MANILA, Philippines — Isang mister na da­ting adik ang “nabur­yong” hanggang sa sunugin nito ang sariling tahanan habang binantaan pa na babarilin ang mga rumes­pondeng bumbero sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City kahapon ng umaga.

Kasong arson, grave threats at illegal possession of firearms ang kinakaharap ng suspek na si Albert Torreon, 47, ng Summer Ville, Virginia Street, Brgy. Pinagbuhatan.

Sa ulat ng Pasig City Police, dakong alas-10:00 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa tahanan ni Torreon.

Kaagad na rumesponde ang mga tauhan ng Pasig Bureau of Fire Protection, Pasig City government at iba pang fire volunteers at naapula ang apoy dakong alas-10:45 ng umaga. Tinangka naman ng mga bumbero na pumasok sa tahanan ng suspek ngunit binantaan sila ni Torreon na babarilin.

Dahil dito, nakipag-negosasyon ang mga awtoridad sa suspek sa pangu­nguna ni Pasig City Police chief, Senior Supt. Orlando Yebra Jr., at maayos na napasuko dakong alas-12:45 ng tanghali.

Narekober mula sa po­sesyon ng suspek ang isang kalibre .38 revolver na may apat na bala. 

Sa himpilan ng pu­lisya, sinabi ng suspek na may naghahabol umano sa kanya at inamin ng nito na dati siyang gumagamit ng ipinagbabawal na droga.

Show comments